David Chua on Devon Seron: “Hindi lang siya pang-girlfriend material, pang-asawa material pa.”
Kinakiligan ng netizens ang Boracay getaway nina David Chua, Devon Seron, at ilang kaibigan noong nakaraang lingo.
Meron pa silang chopper ride together.
Sa tingin ng netizens, “may something” kina David at Devon kahit magka-love team lamang sila sa seryeng GoodWill ng Net25.
Inusisa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si David ukol dito sa pamamagitan ng Viber messaging nitong Sabado ng gabi, February 4, 2023.
Ano ang reaksiyon niya sa obserbasyon ng netizens na may spark at bagay raw sila ni Devon?
Sagot ni David, “Spark? Ang bilis kasi sabihin ng spark, pero ang deeper meaning ng spark is, it’s a magnetic connection and a mutual interest, dapat meron kaming similarity together.
“And of course, dapat meron kaming romantic interest sa bawat isa. Ang kalalabasan nun, compatibility. So, ang lalim, di ba, ang dami ko sinabi.”
Ayon sa actor-director, nagulat siya na halos pareho ang mga naging karanasan nila ni Devon pagdating sa kanilang mga nakaraang relasyon.
“Pero kasi ang pinaka-bottomline nung spark ay yung pag-uusap namin ni Devon, nag-open up ako sa kanya, nag-open up siya sa akin about sa past namin, sa mga exes namin.
“Na ano mga natutunan namin before, anong lessons nabigay sa amin. Na yun kung paano kami naging stronger.
“So, nagulat ako na halos lahat ng pinagdaanan niya, pinagdaanan ko rin. Siya rin, sinabi niya sa akin, ‘David, naka-relate ako sa pinagdaanan mo.’
“So, simula dun, dun kami nagkaroon ng connection. Dun kami nagkaroon ng masasabi ko mutual interest.
“For me ha, sa akin lang, dumating si Devon, at the right place, at the right time.
“Kaya siguro nila nasabing may spark o may chemistry kasi hindi yan pinag-aralan, e, darating yan sa yo, mararanasan mo yan kung tingin mong compatible kayo nung tao. So, yun ang masasabi ko.”
Diretsahan na rin naming tinanong ang Rated Korina director kung girlfriend material ba si Devon.
Tugon niya, “Yes. Walang dalawang isip, si Devon, girlfriend material.
“Lagi kong sinasabi sa kanya, ‘Alam mo, Devon, kung sinong maging next na maging boyfriend mo, napakasuwerte.’
“Dahil si Devon, unang-una, maalaga. Pangalawa, napaka-humble, walang kayabang-yabang sa katawan kahit saan mo dalhin yan.
“Ang tawag nga dun, cowboy, e, hindi maarte, walang kaarte-arte sa katawan.
“Pangatlo, hindi matagal mag-make up. Ang bilis lang, walang kaartehan sa katawan kasi alam niyang maganda na siya, e.
“Pang-apat, ano siya, e, one othe boys. Yan ang kinakagustuhan ko kay Devon, e, lahat ng characteristics ng babae na gusto ko, andun kay Devon, nasa kanya.
“Kaya masasabi kong si Devon, hindi lang siya pang-girlfriend material, pang-asawa material pa.”
Ang huling nakarelasyon ni Devon sa showbiz ay si Kiko Estrada. Ngunit nauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon.
Ang huling babaeng na-link naman kay David ay ang matalik nitong kaibigang si Cristine Reyes.
Read: David Chua reveals why he remains an “elusive” bachelor
“CHURON” FANS
Dahil sa tamblan nila sa GoodWill, nabuo na ang ChuRon (Chua-Seron) loveteam.
Ano ang masasabi ni David sa netizens na sumusuporta sa kanila?
Aniya, “Gusto kong pasalamatan kasi nagulat na lang ako na may lumalabas na ChuRon.
“Di ko rin alam kung ano itatawag nung una kasi may nagsasabing, DaDe, David and Devon.
“So, hindi ko rin alam kung anong puwedeng sabihin noon. Pero nung sinabi nilang ChuRon, sila na nag-decide, e, parang nagkasundu-sundo na sila sa social media na ChuRon ang itawag. So, cute naman, mukhang turon.”
Bilang isang Filipino-Chinese na mahilig sa turon, swak daw sa kanya ang tawag ng kanilang tambalan.
Mensahe pa ni David, “So, maraming salamat at napansin ninyo yung ChuRon, yung David and Devon. So, gagawa pa kami, mas pagagandahin pa namin ang bawat eksena sa GoodWill.”
Mapapanood ang GoodWill tuwing Linggo, 4 p.m., sa NET25 bago ang Korina Interviews ni Korina Sanchez.