Regine Velasquez reveals struggle in "Gusto Ko Nang Bumitaw" duet with Morissette Amon

Regine Velasquez reveals struggle in “Gusto Ko Nang Bumitaw” duet with Morissette Amon

Inamin ni Regine Velasquez na kinabahan siya sa duet nila ni Morissette Amon sa isang episode ng ASAP Natin To noong 2022.

Kinanta nila ang awitin ni Morissette na “Gusto Ko Nang Bumitaw,” ang theme song ng teleseryeng The Boken Marriage Vow.

Sa duet na ito ay nagpamalas ng belting powers sina Regine at Morissette na kilalang mga biritera.

Pero pag-amin ng Asia’s Songbird, nakaramdam siya ng duda sa duet na iyon dahil hindi siya sigurado kung matatamaan niya ang high notes.

Nagplano pa nga raw siyang hilingin na babaan ang keys ng high notes ng kanta.

Ibinahagi ni Regine ang backstory na ito sa episode ng Magandang Buhay noong February 2, 2023.

Pagbabalik-tanaw ni Regine, “Sa totoo lang, pinagod ako ng kantang to. Kasi yung isang kumanta nito, si Mori [Morissette], parang naghikab lang, e.

“Alam mo, habang kinakanta ko to… kinakanta ko na, ah, kasi nakalimutan kong sabihin [sa banda] na, ‘Puwede niyong ibaba,’ kasi 100 years old na ako, itatapat niyo ako kay Mori, jugets [bagets].”

Nakaligtaan daw ni Regine na ipa-adjust ang key kaya habang kumakanta na sila ni Morissette ay nakaramdam siya ng alinlangan, pero itinuloy na lang niya ang pagkanta. 

“Nakalimutan kong sabihin. So, kumakanta na ako, in the middle of ‘Gusto Ko Nang Bumitaw,’ [iniisip ko] aabot ba ako?” pagbabahagi ng natatawang si Regine.

Dagdag niya, “‘Mahi-hit ko ba?’ Ganun yung nasa isip ko. Tapos parang, sige, laban…”

Nagkomento ang co-host niyang si Melai Cantiveros na na-exceed naman ni Regine ang hinihingi ng kanta.

Pero giit ni Regine, “Pero hirap ako, sa totoo lang.”

Nag-viral sa social media ang duet na iyon nina Regine at Morissette.

Sa katunayan, umabot na sa 4.6 million views sa YouTube ang video na ito sa nakalipas na apat na buwan.

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Would you like to receive notifications on latest updates? No Yes