Superstar at National Artist Nora Aunor: “Pulubi pa rin ako hanggang ngayon!”
JERRY OLEA
Aminado ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor na napakatotoo niya at hindi niya kayang magtago ng emotions.
Maraming artista na pinoprotektahan ang kani-kanyang image kaya itinatago o pinagtatakpan ang kanilang mga pagkakamali at pagkukulang. Bakit siya, hindi takot magpakatotoo?
“Ay! Ano po kasi, nakamulatan ko na po iyan sa mga magulang ko noong araw!” bulalas ni Ate Guy sa storycon ng pelikulang Pieta nitong Pebrero 4, 2023, Sabado, sa Victorino’s restaurant, Sct. Rallos St., Quezon City.
“Siguro andoon yung dahil sa sobrang hirap namin at laging ako ang nauutusan pag may mga kailangan sa bahay.
“Sasabihan ang kapatid ko pero suma tutal, sa akin din babagsak lahat ng pinapagawa.
“So nasanay na ako sa ganun. At dahil sa sobrang hirap namin, nasabi ko sa sarili ko… tapos kasi, may mga umaapi din sa amin, e. Noong araw, naranasan ko.
“Na kapagka… nung minsang hirap na hirap na ako, halimbawa nangungutang ako ng bigas. Wala nang magpautang sa akin. Wala na kaming makain.
“Ala una na, hindi pa kami nagsasaing. Wala pa kaming maisaing. So, yung mga kapatid ko na inutusan ng nanay ko, hindi rin gumagalaw. So, ako na ang gumalaw.
“So, lahat ng tindahan, yung mga bigasan, walang magpautang sa akin. So, ang inaano ko, yung pinakahuli naawa.
“So, nung maawa sa akin, nagmamadali akong umuwi sa bahay. Nadapa ako. So, yung bigas na dala-dala ko, natapon pa.
“So, umiiyak ako na dinadampot ko yung bigas na may mga buha-buhangin na, may mga lupa-lupa nang ano.
“Pagdating ko sa bahay, pinalo pa ako ng nanay ko. Kasi, mag-aalas dos na yata yun, alas tres… hindi pa rin kami nanananghalian. Kasi, wala kaming mailutong ano.
“So, dun ko nasabi, sabi ko… dahil sa mga taong yun na pinahirapan din ako, sabi ko, ‘Balang araw, pagka ako nagkaroon, ahhm ipinapangako ko na hindi ko gagawin yung ginawa ninyo sa akin!’
“Kaya siguro naman, sumobra lang ngayon. Sumobra lang. Kaya suma tutal, pulubi pa rin ako hanggang ngayon. Hi! Hi! Hi!” pagbungisngis ni Ate Guy.
“Dahil konting… may mga lalapit, last money ko na… maaawa ako, ibibigay ko pa.
“Kinabukasan, ako ang maghahanap ng pera para pambili ng ganito, pambayad sa ganito. Iyon po ako. Ako po yun.”
Parang eksena sa pelikula iyong pinupulot niya ang mga butil ng bigas na natapon…
Napatango si Ate Guy, “Opo. Totoo. Pero totoong nangyari sa akin iyan.”
Singit ni Direk Adolf Alix Jr., mababasa ang anekdotang iyon sa una sa tatlo o apat na librong ilalathala kaugnay sa life story ng Superstar.
Susog ni Guy, “Malapit na ho ninyong mabasa kasi isusulat na ho yung libro ko. Tutulungan po kami ni Konsehal [Alfred Vargas] na matapos yung libro. Iyon po.
“Siguro ho, baka May [2023] ga e, baka meron na, magkaroon na ng copy. Kaya ngayon pa lang ho, isulat nyo na, ha? Yung libro namin na gagawin, ha? Para abangan na ng mga tao.
“At hintayin na nila. Kasi, yung libro na yun, walang aalisin dun. Kung ano ang nangyari sa buhay ko talaga, yun ang ilalagay talaga sa libro. Yung mga nangyari sa buhay ko.
“Unahin muna namin yung simula, yung first part, yung pagkapanganak. Tapos mga nangyari sa akin nung bata ako hanggang sa nanalo ako ng Tawag ng Tanghalan.
“Second part, yung mga sa puso yun. Tapos pangatlo, yung artista na ako talaga.”
Siyanga pala, gaganap sina Nora at Alfred bilang mag-inang Rebecca at Isaac sa pelikulang Pieta, sa direksyon ni Adolf Alix Jr.
Produced ito ng Alternative Vision Cinema at Noble Wolf Films.
Read: Alfred Vargas, “umakyat ng ligaw” sa National Artist na si Nora Aunor
Nora Aunor (second from left) with Pieta co-stars Alfred Vargas (extreme left) and Gina Alajar (second from right) and director Adolf Alix Jr. (extreme right).
NOEL FERRER
Tuwing dumadaan sa pagsubok si Nora at nalulugmok ang career niya, nakakabalik pa rin siya. Iyon ang gustong ibahagi ng Superstar sa libro ng kanyang buhay.
“Pinaplano namin yung book ngayon. So hopefully this year makapag-release kahit first part ng book. One in English, one in Tagalog,” salaysay ni Direk Adolf.
“Sabi nga niya, gusto na niyang isalibro habang naaalala pa niya ang mga anecdotes niya. Kasi ang dami niyang kuwento. Katulad ngayon, nakita nyo naman, ang dami niyang kuwento.
“So yun, yun ang balak namin na gawing libro yung buhay niya. Wala pang title pero parang eventually… basta, three to four books.”
Ilang pahina ang bawat libro?
“Iyon nga ang gusto naming i-discover, gaano kahaba. So ngayon, ang ginagawa namin, ikinukuwento lang muna niya,” sabi ni Direk Adolf.
“Tapos ita-transcribe namin. Tapos siguro gagawan namin ng form later kung paano. Kasi sa dami rin ng fans niya, pictures, hindi naman magiging problema.
“Because sa dami ng archives ng mga fans niya, parang makukumpleto na.”
Marami nang nagtangkang magsulat ng libro tungkol sa buhay ng Superstar at ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining. Sana, matuloy na ito ngayon!
GORGY RULA
Napaka-colorful ng life story ng Superstar. Napakaraming taong sangkot pero iyong libro ay itutuon sa point of view ni Ate Guy.
Sabi ni Direk Adolf, “For now kasi it’s her story, so kanya lang. Sabi nga niya kanina, di ba, so kung ano ang buhay niya, sino ang mga nakasama niya sa buhay niya, yun na muna yun.
“In her own words. I mean, her own story. Kumbaga, version niya yun ng buhay niya. So kung ano yun, yun muna ang tatrabahuhin namin.
“Sabi nga niya, kumbaga totoo namang nangyari yun. So, wala naman sigurong repercussion in terms of it’s her story. So, kung ano lang yung kuwento niya, yun lang ang ise-share.”
Malamang na maging kontrobersiyal ang libro.
“Hindi ko pa alam ang ibang… oo nga, e. Oo nga. Kaya unti-unti muna kung ano yung ano. Siyempre babasahin naman niya, e. So, kung yun ang gusto niyang ilabas, eventually yun ang ilalabas namin.
“Alam naman siguro ng industriya kung sino yung mga naging ka-partner niya, sino yung mga naging karelasyon niya.
“So, siya na yun. Kasi kuwento niya e. Basta sabi lang niya, ‘Magkukuwento ako, tapos tingnan natin later.’ Hanggang naaalala pa niya.”
No holds barred ang pagtatapat ng Superstar. Wala pa siyang in-off the record sa mga isiniwalat niya.
“May mga narinig na kaming, ‘Ohh, ganun pala yun?!’ Kasi, hindi ko rin siya ka-generation. Ako, fan din ako ni Ate Guy,” sambit ni Direk Adolf.
“Ngayon, nalalaman ko, ganun pala yun. So interesting. I think it would be an interesting piece…
“So far, wala pa naman siyang sinasabi na, ‘Ito, huwag nating isulat.’ Wala pa naman siyang pinipigil. Kung ano ang mga intriga, parang kasama naman, nandun.
“Pero parang hindi naman yun ang focus niya. Ang importante sa kanya, maikuwento niya yung kuwento niya, e. May mga lessons. Siyempre kasama dun, may mga hindi maiiwasan.
“Siyempre kasama dun yung mga kuwento na na-down siya. Ang ganda rin kasi kung paano niya hinaharap.
“So far, ang napagkuwentuhan namin, andoon na sa Guy & Pip. Siyempre may anecdotes din siya na bumabalik siya sa present e. Dahil kuwentuhan, balik-balik, past, present, past, present. So, medyo madami na.”
Meron na bang kuwento ng Superstar na ikina-shock niya?
“Meron. Hindi naman nakaka-shock dahil weird. Pero siyempre hindi ko alam yun bilang hindi ako ipinanganak nung panahon na yun,” sambit ni Direk Adolf.
“Ako’y ano lang, so parang, ‘Ahh ganun pala yun, ito ang sistema nung araw.’ May mga ginagawa pala silang pelikula pala noong araw na sabi niya, parang music video lang tapos pelikula pala yun.
“Ahh, isang araw lang sinu-shoot tapos pelikula na, tapos kumikita. Tapos sabi niya, parang isang linggo… anim? Anim na pelikula na yung natapos niya, tapos hindi niya alam. Kumakanta lang naman siya.”
Paano nila naisip gawin itong book project?
Sagot ni Direk Adolf, “Nagkukuwentuhan po kasi kami nung pandemic. Ang dream daw niya kasi, gumawa ng libro. Hindi lang niya alam kung paano gagawin.
“So, sabi ko, ‘Ang importante, Ate Guy, kasi kuwento mo siya, ikaw yung magkuwento.’
“So, ang ginagawa namin, nire-record namin yung kuwento niya. We have questions. Tapos ita-translate lang yun. So, kung ano yung sinabi niya, word for word, ita-translate.”