Willie Revillame laments netizens’ reaction to news about ALLTV
Nagsalita na si Willie Revillame tungkol sa isyung pansamantalang isasara ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ang mga programa ng ALLTV sa live broadcast ng Wowowin nitong Sabado ng gabi, February 4, 2023.
Read: Ilang programa ng ALLTV, pansamantalang magpapaalam sa ere
Nakasentro ang kanyang pananalita sa mga taong binabatikos siya, nagkakalat ng balitang kasama ang Wowowin sa mga mawawala, at nagpahayag ng kasiyahan sa desisyon ng network management.
Inilabas ni Willie ang saloobin sa live telecast ng Wowowin dahil sa kanyang nakita niya umanong hindi wastong inaasal ng ilan sa ating mga kababayan.
Inisa-isa muna ni Willie ang mga pagtulong na ginawa ng kanyang programa sa ating mga kababayan mula sa iba’t ibang mga lugar na naging biktima ng mga kalamidad, pero nilinaw niyang hindi siya nagbubuhat ng sariling bangko.
Pahayag ng veteran TV host, “Ito ang mga ginagawa ng programang ito. Sana hindi mawala ito kasi tumutulong ito sa gobyerno, e. Hindi nga lang sa gobyerno, tumutulong ito sa ating mga kababayan na nangangailangan.
“Tapos madidinig niyo lang na mawawala, hihinto, natutuwa kayo. Matutuwa ba kayo na may mga kababayan tayong natutulungan, mawawalan?
“Dapat nga, ipinagdadasal niyo kami na magtuluy-tuloy yung programa.
“Ganoon talaga, e. Ang dami ninyong sinasabi, ‘Buti nga sa inyo, ang yabang-yabang niyo kasi!’
“Anong ipinagyabang namin? Hindi ko ipinagyayabang itong ginawa namin na to. Sinasabi ko lang sa inyo, itong programang ito, it’s not about me. It’s about the program Wowowin.”
Pagpapatuloy ni Willie, “Para alam niyo ho na hindi ko ito sinasabi dahil sa pag-aangat [ng sarili].
“Wala akong kaintensiyon-intensiyong tumakbo sa pulitika. Wala ho, hindi ko ho buhay yan. Eto lang ako, Wowowin lang ako.
“Kaya ko lang ito naikukuwento, may lumalabas kasi ngayon na ang mga programa sa ALLTV, mawawala.
“E, parang natutuwa pa kayo na mawawala yung mga programa na nagbibigay ng saya at tulong.
“Sana hindi ganoon. Ako naman, willing tumulong dahil sa sobrang blessed namin.”
Kasunod nito ay hiningi ni Willie ang pang-unawa ng publiko dahil nag-uumpisa pa lamang ang ALLTV.
Saad niya, “You have to understand, nagsisimula pa lang po ang ALLTV. Nagsisimula pa lang kami, sanggol pa lang ito.
“Talagang wala pang commercial na papasok dito kasi wala pa kaming reach. Wala pa kaming signal. Sinisimulan pa lang, e.
“Ipagdasal niyo kami. Ipagdasal niyo kami na maging successful ito para maraming mga istasyon na maraming magawa. Marami kayong marinig na kabutihan. Set aside ninyo yung pulitika.”
Dagdag ni Willie: “Marami pa kayong dapat malaman sa katotohanan. It’s about the frequency, kung alam niyo lang yung totoo. Ayoko lang ho magsalita na pangungunahan ko sila.”
Binanggit ni Willie na maraming reporters na tumatawag sa kanya at nagtatanong tungkol sa tunay na sitwasyon sa ALLTV, pero hindi niya sinasagot.
Kasunod nito ang pangako na kung anuman ang mangyayari sa mga susunod na araw, tiyak na magsasalita siya sa Wowowin.
Sabi ni Willie, “Gusto ko dito ko sabihin sa inyo. Umalis ako ng GMA-7 por delicadeza. Nakasama ko ang mga Villar during the time na sila ay nagkakampanya, nandoon ako.
“Nagkaroon po ako ng Wil Tower dahil kay Senator [Manny] Villar. Ito pong tatlong lupang ito [na kinatitirikan ng Wil Tower], pinaghirapan ko. Sila po ang nagpatayo nito.
“Ayaw niyo ba na may taong umaasenso?”
Diin niya: “Ganoon talaga ang buhay. Hindi lahat gusto ka. Hindi lahat matutuwa sa yo.”
Read: Richest Pinoy Manny Villar takes over ABS-CBN channels: A Timeline