Donnalyn Bartolome strikes again with "maganda talaga pag binuntis" post

Donnalyn Bartolome strikes again with “maganda talaga pag binuntis” post

Isang buwan makalipas ang kanyang “back-to-work” statement, trending muli sa Twitter Philippines ngayong Lunes ng umaga, February 6, 2023, ang vlogger/singer/actress na si Donnalyn Bartolome.

Read: Donnalyn Bartolome draws flak from netizens over “back to work” remarks

Ito’y matapos kumalap ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens ang ngayo’y burado nang post niya sa Facebook patungkol sa pagbubuntis.

Nitong Linggo, February 5, 2023, ipinost ni Donnalyn ang screenshot ng comment ng isang fan na naiinggit umano sa kanyang kagandahan dahil tila nabago raw ang hitsura ng fan matapos nitong manganak.

Buong komento ng kanyang tagahanga: “Grabe sobrang ganda niyo po. Nakakainsecure po talaga, lalo pag tumitingin na ko sa salamin after birth.”

Nagbigay naman ng reaksiyon si Donnalyn patungkol dito.

Aniya, sigurado siyang mas higit ang kagandahan ng kanyang fan dahil “binuntis” ito.

Buong reply niya (published as is), “Mommy isipin mo na lang binuntis ka… sobrang ganda mo siguro. Ako walang bumubuntis.. parang talo mo ko sa ganda wag ka na ma-insecure diyan ha… I’m sure maganda ka, smile ka na…”

Dahil dito, kaliwa’t kanang komento muli galing sa netizens ang naglipana sa Twitter.

Maraming nagsabi na panibagong klase ng “toxic positivity” na naman daw ang naging pahayag ni Donnalyn.

Nakadagdag pa sa panggagalaiti nila ang unang naging caption ni Donnalyn na “maganda pag binuntis [pregnant woman emoji].”

Ngunit kalauna’y ini-edit niya ito at dinagdagan.

Mababasang caption sa kanyang post bago niya burahin ito (published as is): “Maganda talaga pag binuntis [pregnant woman emoji].

“Kidding aside, maganda padin kayo mommies. Hindi magbabago yun.

“I know nakakainsecure because of body changes tapos nakakakita kayo ng magagandang dalaga and hindi niyo naiiwasan magcompare…want you to know being a mother is beautiful still.

“Nagagandahan kami sa inyo tulad nang nagagandahan kayo saamin. I hope I made you mommies laugh.”

NETIZENS REACT

Halo ang naging reaksiyon ng netizens. May ibang nagsabi na hindi raw kailangang i-normalize ni Donnalyn ang kagandahan ng pagbubuntis lalo na’t talamak ngayon ang teenage pregnancy.

Tweet ng isang netizen, “Paano kung sa intention niyang iencourage yung buntis naencourage din mga kabataan magpabuntis? Kasi mukhang ang point ni Donnalyn mas maganda kapag nabuntis. Overpopulated na tayo please, amaccana Donna.”

Saad pa ng isa, “And the worst part is, karamihan sa mga fans nya puro teenagers or mga bata. Ano nalang iisipin nila sa ganito? Para maging maganda magpabuntis? Magpabuntis kasi maganda? Tama ka na, Donnalyn. Paano pa yung mga na-s/a tapos nabuntis? Napaka out of touch mo talaga sa reality ano.”

Buwelta naman ng isa, “At this point, I think Donnalyn is just acting dumb to be the talk of the town. Girl needs clout. Girl having it. Her narcissistic self still cannot comprehend the essence of choosing your words correctly.”

May iba pang nakapansing mali na naman daw ang paggamit ni Donnalyn ng mga salita kaya’t muling itong napasama.

Sabi ng isang netizen, “Donnalyn, tama kana please. While I understand that her intention might be to just send positive vibes to people sobrang off talaga ng choice of words niya.”

Tweet pa ng isa, “Ang off talaga ng mga hirit ni Donnalyn. Sis, sana naman mag-trend ka for good reasons next time. Every damn time na lang laging for negative reasons.”

Saad pa ng isa, “Sa pagkakasabi ni Donnalyn, parang utang pa ng babae sa lalaki na binubuntis siya kasi nalalaman niyang maganda siya. Parang sinabing galing sa lalaki kung anuman ang maganda sa babae. Anti-feminist ito, at pro-machismo. Mga lalaki lang ang iniaangat ng statement, hindi babae. Napaka-heteronormative din ng statement. Ang assumption ay maganda ka kung nasa heterosexual relationship ka. Lahat talaga ng babae gusto “magpabuntis”? Lahat attracted sa lalaki? Lahat kailangan ng atensyon mula sa kalalakihan?”

Hirit pa ng isa, “Hahaha my february entry na ulit si St. Donnalyn. Mantra nya talaga ang maging grateful sa lahat ng bagay!”

Hindi ito ang unang pagkakataong kinuyog ng netizens si Donnalyn.

Read: Donnalyn Bartolome opens up about dealing with bashers, critics

Nito lamang January 4, 2023, inulan siya ng batikos tungkol sa naging pahayag niya sa pagbabalik-trabaho matapos magdiwang ng Pasko at Bagong Taon.

Read: Donnalyn Bartolome defends herself after viral “back to work” statement; apologizes for wrong choice of words

Noong July 2022, pinuna naman siya dahil sa baby-themed photoshoot para sa kanya sanang 28th birthday.

Read: Donnalyn Bartolome apologizes for baby-themed photo shoot

Poverty porn naman ang reklamo sa kanyang posts noong August 2022, nang inilabas niya ang mga litrato ng kanyang birthday celebration na ginanap sa kalye.

Read: Donnalyn Bartolome refuses to apologize for kanto-themed party; shows proof of life’s struggles

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Would you like to receive notifications on latest updates? No Yes