Nursing student who helped victim in neck-slashing incident receives two scholarships
Hindi lang isa kundi dalawang scholarship grants ang ipinagkaloob sa nursing student sa Cebu na tinulungan ang fruit vendor na nilaslasan sa leeg.
Ginawaran si Angyl Faith Ababat, 21, ng scholarship ng University of Cebu (UC) Balinad, kung saan siya kasalukuyang kumukuha ng Nursing course.
Sinabi rin ni Mercy Milagros Apuhin, dean ng UC College of Nursing, na isang Nursing review center ang sasagot sa pagre-review ni Angel sa licensure examination board pagkatapos nitong mag-graduate.
Bukod kay Angyl, ie-endorso rin ang classmate niyang si Kristianne Joice Ona na mabigyan ng scholarship sa unibersidad.
Si Kristianne Joice ang tumulong kay Angyl na tumugon sa emergency situation noong January 31, 2023.
Nilaslas ang leeg ni Bernadeta Zamora, 54, habang nagtitinda ng mangga sa harap ng commercial building sa Plaridel Street sa Cebu noong nakaraang linggo.
Sa CCTV, nakita ang biktima na nakatalikod nang sinaksak siya sa leeg ng ka-live-in at suspek na si Edwin Lumacad dahil umano sa pagseselos.
Nang masugatan ang biktima, wala agad tumulong dito bagamat matao ang lugar.
Pero bago siya mapaupo sa sahig, lumapit na si Angyl para tumulong.
Lumapit din ang ilang pedestrian, classmates ni Angyl, at ang pharmacist na si Felda Sarmiento, empleyado sa katapat na pharmacy kung saan nangyari ang insidente.
Nagbigay ng first aid sina Angyl at Kristianne Joice para pigilan ang pagdurugo ng sugat ng biktima bago siya isinugod sa ospital.
Nahuli naman ng mga awtoridad ang suspek at sinampahan ng reklamong frustrated murder.
Ani Angyl sa Kapuso Mo, Jessica Soho interview, “Yung time na yun po ang inisip ko lang po is, ‘Ito yung tamang gawin.'”
Lahad pa niya sa Manila Bulletin interview, “I just want to tell them that it is okay to be scared, it is a normal reaction.
“But if you are able to help, especially if you are knowledgeable enough, then be a vessel to help and aid those in need.”
Una nang ikinuwento ni Angyl na nag-alangan siya noong una dahil may nakita siyang medical students nang mangyari ang insidente.
Subalit kumilos siya nang makita niyang walang lumapit para tumulong sa biktima.
SCHOLARSHIPS AND RECOGNITIONS FOR ANGYL
Samantala, ngayong umaga ng Lunes, February 6, ay pinarangalan sina Angyl at Kristian Joice ng plaque of recognition sa Cebu City Police Office flag ceremony.
Kasunod nito ay inaasahang tutuloy ang dalawang estudyante sa Cebu City Hall para tumanggap naman ng recognition na inihanda ng provincial government unit.
Nagpaplano rin ang UC na kilalanin ang ginawa ng kanilang mga estudyante.