Judy Ann Santos reveals convo with ABS-CBN exec about her new non-Kapamilya series

Judy Ann Santos reveals convo with ABS-CBN exec about her new non-Kapamilya series

Inamin ni Judy Ann Santos na nagpaalam siya sa ABS-CBN management bago niya sinimulan ang kanyang upcoming series sa labas ng Kapamilya Network. 

Hindi binanggit ni Judy Ann ang title ng series dahil mayroon siyang pinirmahang non-disclosure agreement.

Pero kinumpirma niyang iprinodyus iyon ng independent production company na Reality Entertainment. Ongoing ang produksiyon ng series na hinulma ng director-producer na si Erik Matti.

Kinausap ni Judy Ann si Cory Vidanes, Chief Operating Officer ng ABS-CBN, tungkol sa desisyon niyang tanggapin ang proyekto. 

Pagtatapat ni Judy Ann: “I called up Tita Cory para ipaalam lang sa kanya, para magsabi, ‘I’m gonna make a series outside ABS-CBN.’

“Ipinaalam ko nang maayos. Kasi alam mo yung pakiramdam na wala man akong existing contract with ABS-CBN, yung pakiramdam ko lang na para akong namimindeho ng asawa.

“All my life, I’ve been doing all my teleseryes with ABS-CBN. Ito yung first time na gagawa ako ng hindi under sa kanila, so parang feeling ko lang, medyo nagi-guilty ako so kailangan ko sabihin.” 

Nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung ano ang reaksiyon ng ABS-CBN management, sinabi ni Judy Ann na maayos ang usapan nila ni Vidanes. 

“Oh, sobrang na-appreciate ni Tita Cory yung pagtawag ko sa kanya. Sabi niya, ‘Di naman kailangan, Juday, pero na-appreciate ko.’

“Ganun kasi ako, ayoko may nasasaktan ako along the way, especially when it comes to work.  

“Feeling ko di worth it na may tao ka matapakan, para lang sa isang proyekto, para lang sa isang malaking talent fee or something.” 

Diin ni Judy Ann, “Not that I’m saying anlaki-laki ng talent fee ko. Hindi, a.

“Feeling ko lang yung respeto kailangan ibigay mo nang buo sa mga taong bumuo sa yo.” 

Ibinahagi ito ni Judy Ann sa piling press, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), pagkatapos ng presscon proper para sa upcoming movie niyang The Diary of Mrs. Winters.

Ginanap ang interbyu sa 77 Limbaga Restaurant sa Quezon City, nitong Martes, February 7, 2023. 

JUDY ANN NO CONTRACT WITH ABS-CBN SINCE 2019

Ipinaliwanag ni Judy Ann na nag-expire ang kontrata niya sa ABS-CBN noon pang pinagbidahan niya ang Starla, ang Kapamilya prime-time series na umere mula October 2019 to January 2020. 

“When I was doing Starla, wala na akong contract with ABS-CBN. 

“Then pandemic hit. Then they gave me Paano Kita Mapapasalamatan which I am grateful [for], considering na wala akong contract and yet ako ang kinonsider nilang host,” sabi pa ni Judy Ann. 

Hindi lang naman daw kontrata ang basehan ng relasyon niya sa home network sa loob ng halos tatlong dekada. 

Patuloy ni Judy Ann: “Well, actually, nung nag-expire yung contract ko with ABS-CBN, it’s something na di naman ako masyadong… parang okay lang.

“Kailangan ko rin naman ng chance na ipahinga yung utak ko.

“With ABS-CBN naman, I have a very honest and open relationshop with them when it comes to projects na inihahatag nila sa akin.” 

IS SHE OPEN TO WORKING WITH GMA-7? 

Nang tanungin si Judy Ann kung bukas siyang magtrabaho sa GMA-7, sinabi ng aktres na magiging bukas siya kung may offer man sa ibang TV Network. 

Pero paglilinaw niya: “May mga nag-i-inquire, pero siyempre, kailangan ko muna kasi kamaduhin kung ano ba talaga kaya ng powers ko.

“At saka more than anything, it’s my deep relationship with ABS-CBN. Kung anuman meron ako with ABS, I value and treasure that.

“If ever na magkaroon man ng offer from GMA, I still have to communicate that with ABS.

“Kasi they’re working naman na together. ABS is also working with TV5.” 

Ang tinutukoy ni Judy Ann ay ang pagkakaroon ng collaborations ng ABS-CBN sa GMA-7 tulad ng Unbreak My Heart, ang upcoming series nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap, pati na ang pagpapalabas ng Star Cinema movies sa Kapuso Network. 

“So, wala akong nakikitang problema if in case dumating yung point na may ganung offer from other networks.

“Bukas naman ang pangkalahatan, which is a good thing. Nakakatuwa na wala nang network war, we’re all working together.

“But then again, the respect, I’d still give it to ABS kasi sa kanila ako lumaki, sa kanila ako nagsimula.”

Sabi pa niya, “Parang no-brainer ang relationship ko with ABS.

“Yes, may misunderstanding along the way, hindi naman maiiwasan, and I think we all learned from these things.” 

ON HANDLING HER SHOWBIZ CAREER

Perfect timing din daw para kay Judy Ann ang pagiging freelancer niya para mas independent siya pagdating sa pagpili ng mga proyektong gagawin. 

Aminado ang aktres na “80 percent” ng kanyang oras ay mas gusto niyang ituon sa pamilya, at “20 percent” para sa acting at iba nitong passion tulad ng food business nila ng mister na si Ryan Agoncillo. 

“Yung ngayon lang sa estado ko bilang nanay, ako mismo as a person, kuntento ako sa kung saan ako nandun.

“I’m not asking for more, I’m not asking for less. I’m set on where I am.

“Gusto ko lang mas hawak ko yung proyekto ko, na ako yung nasusunod.

“Hindi dahil nagpapaka-diva ako, dahil yun lang talaga yung kaya ng powers ko.” 

Mas okay raw sa kanya ang per-project basis kung anuman ang tatrabahuhin niya. 

“Siguro, pag simula ka umarte mula eight years old, sa pagkakataong ito, deserve ko naman na sigurong piliin yung mga proyektong gusto ko gawin.

“Kasi for most of my life, dinidiktahan ako kung anong dapat ko gawin.

“Eto lahat ng pelikula na dapat gawin, gusto ko man partner ko o hindi kailangan ko gawin, parang tapos na ako dun, napagdaanan ko na siya.

“Kung tumatangap man ako ng projects ngayon, kasi talagang gustung-gusto ko.

“Di pampalapad ng papel, [kundi] pampabuo ng karera ko bilang artista.”

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Would you like to receive notifications on latest updates? No Yes