Willie Revillame hits back at celebrity critics: “Binigyan ko kayo ng tulong dati… tinitira niyo pa ako!”
Isang palabang Willie Revillame ang napanood sa Wowowin, ang programa niya sa ALLTV, ngayong Martes ng gabi, February 7, 2023.
Ito dahil sa kaliwa’t kanang batikos na natatanggap niya sa social media.
Kung wagas ang mga paninira sa pagkatao ni Willie, higit na matitindi ang buwelta nito sa ilang showbiz personalities na kanyang tinutukoy pero hindi muna niya pinangalanan.
Read: Ilang programa ng ALLTV, pansamantalang magpapaalam sa ere
Matapang na pahayag ng veteran TV host: “Hindi na ako matatakot sa inyong lahat! Laban na ito kung laban!
“Masyado niyo na akong inaapi. Masyado niyo na akong sinasaktan. Hindi ako susuko sa inyo!
“I-vlog niyo ako bukas! Pagtulung-tulungan niyo ako, hindi ako natatakot! Yun ang gusto niyo? Okay lang, sige!
“Tirahin niyo ako araw-araw, minu-minuto, I don’t care! Kayo ang may utang na loob sa akin! Hindi ako! Tandaan niyo yan sa buhay niyo!”
Banta pa ni Willie: “Bukas! Kahit ngayon, i-vlog niyo ako. Araw-araw ko din sasabihin kung sino kayo!
“At sasabihin ko ang mga pangalan ninyo, in time! Kung sino kayo!
“Sige, laban tayo. Basta huwag ninyo akong ila-libel. Magkakasuhan tayo. Mag-ubusan tayo, sige!”
“HINDI PA NAMAN AKO KINAKAUSAP NG ALLTV”
Labis na nasaktan si Willie sa mga nababasa niya sa social media mula nang pumutok ang balitang pansamantalang isasara ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ang ilan sa mga programa ng ALLTV, ang TV network na pag-aari ni former Senate President Manny Villar.
Read: Willie Revillame laments netizens’ reaction to news about ALLTV
Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang ALLTV management kaya labis na nagtataka si Willie dahil ipinipilit ng mga naninira sa kanyang kasama ang Wowowin sa mga isasarang programa.
Saad niya, “Isipin ninyo ito. Para malaman niyo lang, hindi pa naman ako kinakausap ng ALLTV [management] na magsasara ang show.
“Wala pang sinasabi sa akin na magsasara. In fact, nagmi-meeting ho kami sa studio halos twice a week para matapos ang studio ng Wowowin sa Starmall.
“Ini-inventory na po ang mga ilaw, kung ano ang gusto ko. In fairness sa kanila, ‘Ano ba ang gustong LED ni Kuya Willie?’”
Read: Willie Revillame, nagpakita ng pruwebang hindi magsasara ang Wowowin
May paglilinaw rin si Willie tungkol sa morning talk show nina Ruffa Gutierrez, Ciara Sotto, at Mariel Rodriguez, ang M.O.M.S (Mhies On A Mission).
Aniya, “Yung sa M.O.M.S ho, hindi itinitigil yan. Naka-pause lang yan, ang tawag diyan.
“Aayusin lang po ang signal at siyempre po ang reach ng ALLTV.”
Nagtataka si Willie dahil siya ang dinudurog ng bashers sa social media.
“Nagagalit kayo sa amin, wala naman kaming kasalanan sa inyo.
“Nagagalit kayo sa akin, ako ang tinitira niyo, ni hindi naman nagsasalita ang ALLTV [management].
“Hindi naman ako ipinapatawag sa meeting na, ‘O, Willie, wala ka nang show.’
“Wala hong ganoon. E, pinangunahan niyo ho kami.”
Dagdag pa ni Willie, “Alam niyo kasi yung 24 million subscribers ng Wowowin, hindi naman mahilig sa fake news yan. Hindi naman nagtete-text yan.
“Sino ang mga ganyan? E, di yung galit, di ba? May ginawa ba akong kasalanan sa inyo kaya nagagalit kayo?
“Mayabang ako? Bakit, nakasama niyo na ba ako? Nakasama ko na ba kayo ng 24 oras?
“Mayabang ako magsalita? Wala ho akong winalanghiyang tao. Lagi akong gumagawa ng paraan na makatulong sa mga kababayan natin.
“Hindi ako umiinom. Never akong nag-drugs in my life. Hindi ako naninigarilyo at alam ng lahat yan.
“Pero ngayon ho, kung titirahin niyo ako, titirahin ko rin kayo! Labanan na tayo ngayon! Sobra na kayo!”
BINIGYAN NOON NG CONDO UNIT AT KOTSE, SINABIHAN SIYANG “MAYABANG” NGAYON
Kasunod nito ay nagbahagi si Willie ng mga kuwento tungkol sa mga personalidad na diumano’y sumisira sa pagkatao niya.
Ang una ay binigyan niya noon ng condo unit at kotse, pero sinabihan siya ngayong “mayabang.”
“Meron lang ho ako maikuwento. Alam nyo, maraming mga naglalabasan ngayon na medyo talagang winawasak ang pagkatao ko, sinisiraan.
“Maikuwento ko lang sa inyo, meron akong mga taong minahal at tinulungan.
“May binigyan ako na isang unit dito [sa Wil Tower]. Unit ng condominium, binigyan ko pa ng kotse.
“Malapit ho sa akin yan. Sinabihan pa ako na mayabang ngayon. Isipin niyo ang mga ginagawa sa akin ng mga taong yan.
“Uulitin ko po, yan. Totoo yan! Bukas iba-bash niyo ako? Bukas, sasabihin ng lahat, mayabang!”
Tila pang-uusig pa niya sa taong tinutukoy: “Mayabang? Binigyan kita ng isang unit, condominium sa Wil Tower! Regalo ko sa yo. Binigyan kita ng brand new na kotse.
“Ngayon, sasabihin mo sa vlog mo, mayabang ako? Kapag may kailangan ka, may hinihingi ka sa akin na tulong, ‘Lapitan mo ito anak. Bigyan mo ito ng one million.’
“Ano ang ginawa ko, di ba? May inilalapit ka sa aking mga artista na hirap sa buhay. Ilan? Binigyan ko ng tig-isang milyon, di ba?
“Gusto niyo ng totohanan? During the pandemic, sinong tumutulong sa reporters? Sampung libo, buwan-buwan? Sino?
“Hindi ko kayo sinusumbatan. Ipinapaalaala ko lang sa inyo!
“Dalawang taon, hindi ko pinutol yan. Halos lahat ng supporters na inilapit mo sa akin, binibigyan ko ng sampung libo buwan-buwan.
“Bakit? Gusto ko lang makabili sila ng bigas. May nagpasalamat ba sa akin? Wala!”
BINIGYAN NOON NG SINGKUWENTA MIL, SINABIHAN SIYANG “NAGMAMAKAAWA” NGAYON
Binuweltahan din ni Willie ang isang “reporter” na tinulungan niya umano noon pero pinararatangan siyang nagpapaawa ngayon.
Lahad ni Willie, “May isa naman, nagmamakaawa raw ako. Nagpapaawa ako. Hindi ako nagpapaawa!
“Nung tatakbo kang konsehal, pumunta ka sa kuwarto ko sa Channel 2. Binigyan kita ng singkuwenta mil [P50,000].
“Natalo ka! Kilala mo kung sino ka! Aminin mo yan!
“Tatlo kayong nagho-host, nagpapatawa ka.
“Baka nalimutan mo, binigyan kita ng P50,000, tatakbo kang konsehal. That was mga year 2000. Natalo ka!
“Yan ang gusto niyo na labanan? Hindi ko ikinukuwento ito pero tinitira niyo ako ngayon!
Ulit ni Willie: “Binigyan kita ng singkuwenta mil, tatakbo kang konsehal. Reporter ka! Sasabihin ko na lahat!
“Gusto niyo nang ganitong labanan? Naging mabait ako sa inyo. Wala kayong nadinig sa akin.
“Kung ano ang kailangan niyong tulong, ibinigay ko sa inyo!”
BINIGYAN NG TRABAHO NOON, TINITIRA SIYA NGAYON
Hindi rin pinalampas ni Willie ang isang showbiz personality na tinulungan niya nang magpakasal ito at binigyan noon ng trabaho sa Wowowin.
“Tapos yung isa, nag-Ingles-Ingles ka pa! Naging kasama ka namin sa production. Kapag pumapasok ka, di ba natutulog ka?
“Papasok ka sa dressing room ko, ‘Kuya Wils, I cannot do this. You know, I feel so dizzy.’ May mga ganoon-ganoon ka pa sa akin.”
Pagpapaalala pa niya: “Baka nakakalimutan mo, ikinasal ka sa Tagaytay? Sa akin natulog ang nanay at tatay mo, sa bahay ko sa Tagaytay.
“Ang galing-galing mong sumayaw, malapit ka sa Diyos, ang pamilya mo. Nagko-comment ka ngayon.
“O ano, baka nakalimutan mo, kinupkop ko kayo nung kakasalin ka sa Tagaytay. Napahiwalay ka.
“Dun natulog sa akin ang tatay at nanay mo.”
Paglilinaw niya muli: “Hindi ko ito isinusumbat. Yan ang gusto niyo, malaman ng mga tao yung totoo.
“Huwag kayong ganyan! Tumingin kayo sa pinanggalingan…
“Tumingin kayo sa inutangan nyo ng utang na loob dahil ako, marunong ako [tumanaw] ng utang na loob.
“Uulitin ko po, yan. Totoo yan! Bukas iba-bash niyo ako? Bukas, sasabihin ng lahat, mayabang!”
SPLICED INTERVIEW WITH HARRY ROQUE
Binanggit din ni Willie ang diumano’y spliced interview niya kay former Secretary Harry Roque nang bumisita ito sa set ng Wowowin sa Wil Tower noong napapanood pa ang programa niya sa GMA-7.
Saad niya, “Sinisiraan ninyo ako, yung interbyu ko kay Secretary Harry Roque, in-edit out niyo.
“E, nu’ng time na yon, hindi ko puwedeng sabihin na isasara ang ABS-CBN.
“Wala akong sinabi na isara! Tumatawa ako? Ang ginawa niyo, in-edit out niyo. Sinisiraan ninyo ang pagkatao ko!”
Read: Willie Revillame defends ABS-CBN from Harry Roque shutdown joke
Humingi ng paumanhin si Willie sa manonood dahil hindi niya napigilan ang bugso ng kanyang damdamin, kasunod ang hiling na ipaglaban ng mga nagmamahal sa Wowowin ang programa niyang tumutulong sa mga maralita na Pilipino.
“Alam ninyo, pasensiya na kayo. Lahat na lang, nag-trending ako. Winawasak ang pagkatao ko!
“Tapos ngayon, mayabang ako. Kung anu-ano ang mga sinasabi ninyo! Kung tatanggalin niyo ako dito, okay lang!
“Mamamatay ba ako? Magugutom ba ako? Gagawa ako ng paraan sa buhay ko.
“Pasensiya na ho sa lahat.”
Pakiusap pa niya, “Yung mga nagmamahal sa akin, ipaglaban niyo naman itong programa natin.
“Hindi ko kayo sinasabihan kasi ito hong programang ito para sa inyo. Para sa inyo ho ito!
“Nagbibigay ho kami ng tulong, sampung libo, bente mil, araw-araw! Dalawang daang libo ho yan na inaabot. Limang milyon ho yan isang buwan na ginagawa ng programang ito at sa tulong din ng ALLTV.
“Kailangan malaman niyo yung totoo.”
Hamon niya muli sa mga personalidad na binanggit niya: “Sige, tirahin niyo pa ako! Papangalanan ko na kayo kung sino kayo!
“Lahat ng inilapit niyo sa akin na mga artista na kailangan ng pera, hindi ko kayo tinanggihan! Lahat! Totoo yan!
“Binigyan ko kayo ng tulong dati, nakalimutan niyo, tinitira niyo pa ako! Anong klaseng tao kayo?”