Ronnie Alonte admits he cheated on Loisa Andalio multiple times in the past

Ronnie Alonte admits he cheated on Loisa Andalio multiple times in the past

Inamin ni Ronnie Alonte na ilang beses niyang niloko ang girlfriend na si Loisa Andalio sa loob ng halos pitong taon nilang relasyon. 

Sa panayam sa magsing-irog sa Magandang Buhay ng ABS-CBN kahapon, February 7, 2023, napag-usapan ang tungkol sa cheating.

Naitanong kay Ronnie na noong mga unang taon ng kanilang relasyon ay may lumabas na isyu na nag-cheat si Loisa sa kanya.

Ipinaliwanag ni Ronnie na problematic ang relasyon nila noong panahong iyon. 

Balik-tanaw ni Ronnie, “Sa akin, nung nangyari yun, sobrang sakit pala nung feeling na ganun.

“So, parang mga halos isang linggo, dalawang linggo, nawala ako talaga. As in lumabas ako, tropa, friends, para maalis sa utak ko yung nangyari.

“Pero, na-realize ko din sa dulo na baka karma lang din to kasi.

“Tinake ko yun as karma kasi ang dami kong kasalanan sa kanya before pa mangyari yun.”

Kasunod nito ang pag-amin din ni Ronnie na ilang beses niyang kinaliwa si Loisa noon.

Prangkang sabi niya, “Ang dami, ang dami niyang nahuli sa akin.”

Baling na tanong pa niya sa nobya, “Ilang babae ang nahuli mo?”

Hirit ni Loisa, lagpas daw sa bilang ng daliri.

Patuloy ni Ronnie, “Alam niya. Nahuli niya ako. So naramdaman ko yung feeling kung gaano kasakit yung ganung pakiramdam.”

Kahit may mga sarili silang pagkakamali sa kanilang relasyon, pinili pa rin daw nila ang isa’t isa.

“Naniniwala din po kasi ako sa pagdadaanan lang din, pero choice niyo kung magsi-stay kayo sa isa’t isa.

“Kasi kung iisipin ko minsan na ganito yung ginawa niya sa akin, masakit, pero pag nawala siya, feeling ko yun ang mas masakit.

“Mas hindi ko pala kayang wala siya. So talagang tatanggapin mo sa tao yung flaws– naiiyak ako,” emosyunal na paliwanag ni Loisa. 

Dagdag niya, “Ayun, kasi pag nagmahal ka, hindi lang puro masaya. Talagang ang dami ding pagdadaanan.

“Pero happy ako sa amin at saka nasa center namin si God. Isa talaga yun sa reason kung bakit nandito din kami ni Ronnie kasi choice natin to.”

how ronnie and loisa moved past cheating issues

Hindi man perpekto ang relasyon nila, ang mahalaga daw sa kanila ay ang tanggapin ang pagkakamali ng isa’t isa.

Sabi ni Loisa, “Pag tinatanong ko siya sa mga ganyan, inaamin niya. Yan yung pinag-uusapan namin after. 

“Kasi feeling ko kung idi-deny tapos totoo, siguro mahirap yun. Kaya mabuting aminado din siya.”

Aminado sila na hindi madaling proseso ang magpatawad at mag-move on. 

Paliwanag ni Ronnie, “Saka sabi ko sa kanya, importante kasi nangyari na yan, pa-abante tayo dapat mag-isip, tapos na.

“May mga time din dati na naging okay kami, lahat-lahat, sa akin, sa kanya. May mga nangyayari din na pag nag-aaway kami binabalik namin, e, ‘O, ikaw nga, e, ganito, e,’ yung dati, ‘O, ikaw ganito,’ yung mga away na ganun.

“Pero kinausap ko siya na, ‘Hindi maganda, hindi healthy sa relationship yung binabalik mo yung dati.

“Dapat tanggapin mo, tanggap mo na, e, tinanggap mo na ako. Pa-abante tayo, hindi mo na ibabalik.'”

Dito naman nausisa ang dalawa tungkol sa mga naugnay kay Ronnie dati. Ilan sa mga ito ay taga-showbiz din, ayon kay Loisa. 

Aminado naman si Ronnie na siya ang nagkamali nun dahil hindi pa alam ng publiko na sila na ni Loisa. 

Taong 2016 naging sila pero ikinubli pa nila ito sa tao. 

“Sa totoo lang, aaminin ko, mali ako. Kasi yung mga nakatrabaho ko dati at yung mga nakasama ko dati, hindi ko nilinaw sa kanila at hindi ko sinabi sa kanila na kami ni Loisa. Tinago ko rin sa mga naging ka-partner ko,” pag-amin ni Ronnie. 

“Yun lang po ang nililinaw ko, na ngayon ko lang sinabi, na ako yung may mali doon.

“Sa mga fans, huwag niyo sisihin, huwag niyong iba-bash yung mga babae na na-link sa akin dati kasi hindi nila alam. Kasalanan ko yun.”

on ronnie and loisa’s enduring relationship

Ngayong taon ay ipagdiriwang ng dalawa ang kanilang 7th anniversary bilang magkasintahan. 

Hindi raw sila naniniwala sa seven-year-itch dahil pareho pa rin naman daw ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa mula noon hanggang ngayon. 

Sa tanong kay Ronnie kung si Loisa na ba ang kanyang nakikitang “The One,” walang kaabug-abog na inamin nitong ang dalaga na nga ang nakikita niyang kanyang makakasama habang-buhay. 

Saad ni Ronnie, “Dapat. Para sa akin, ha. Kasi kahit sino naman pong tao, hindi ka susugal sa relasyon ng ganun-ganon lang kung hindi mo alam na siya na talaga.

“Kasi dumating na nga din po sa time na may mga hiwalayan din po kaming nagagawa, na muntik na kaming maghiwalay.

“Lagi ko sinasabi, ‘Kung para talaga tayo sa isa’t isa, para talaga tayo,’ at yun ang nangyayari sa amin ngayon po.

“Hundred percent sure ako sa kanya. Hindi man kami pa ikasal, alam kong dadating at dadating din doon. Kasi sigurado na ako, e. Sigurado na ako sa kanya.”

Gayundin ang sinabi ni Loisa tungkol sa kanila ni Ronnie.

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Would you like to receive notifications on latest updates? No Yes