Willie Revillame apologizes to Cristy Fermin: "Na-clickbait ako."

Willie Revillame apologizes to Cristy Fermin: “Na-clickbait ako.”

Taous-pusong humingi ng paumanhin si Willie Revillame kay Cristy Fermin dahil sa mga nasabi niya sa live broadcast ng Wowowin kagabi, February 7, 2023.

Bagamat idinaan ni Willie sa tila blind item ang mga buwelta niya sa ilang showbiz personalities na bumatikos umano sa kanya, kasunod ng balitang pansamantalang isasara ng AMBS ang ilang programa ng ALLTV, nagkaroon ng espekulasyon kung sinu-sino ang tinutukoy ng veteran TV host.

Read: Willie Revillame laments netizens’ reaction to news about ALLTV

Kabilang sa pinatamaan ni Willie ay binigyan niya umano ng condo unit at bagong kotse pero sinabihan daw siyang “mayabang.”

Read: Willie Revillame hits back at showbiz personalities criticizing him

Sa kanyang pahayag sa Wowowin ngayong Miyerkules ng gabi, February 8, inamin ni Willie na si Cristy ang pinaringgan niya. Ngunit nagkamali umano siya ng akala.

Nagpakumbaba si Willie na inamin ang kanyang pagkakamali dahil hinayaan niya umano ang sariling maging biktima ng clickbait.

Ayon kay Willie, may nagparating sa kanyang sinabi ni Cristy na “mayabang” siya. Pinaniwalaan niya raw ito agad nang hindi pinapanood ang kabuuan ng online program ng veteran entertainment writer at showbiz talk show host.

Saad niya, “Na-clickbait ako. Napain lang ako na may nagsabi sa akin na, ‘O akala ko ba, nanay mo yang si Cristy Fermin? Bakit sinabi, ang yabang-yabang mo raw?’

“So, parang naano na ako, yun ang mga dumarating. Kaya ayokong nagbabasa ng YouTube at Facebook na negative. Kaya lang, siyempre nasaktan ako dahil parang nanay ko ho yan, si Tita Cristy.

“Ilang laban, ilang giyera na kami ang magkasama. Saka yun nga, may nasabi ako sa kanya na hindi maganda kagabi na nasaktan ko ang pamilya niya.

“Na ang pagkakamali ko ho, e, hindi ko kasi napanood yung kanyang Cristy FerMinute dahil ayoko na ho manood.

“Ang pagkakamali ko, nagdesisyon akong magsalita. Ako ho ang nagkamali.”

Read: Cristy Fermin slams Willie Revillame’s “panunumbat” on live TV; explains condo unit and car from Willie

SETTLING ISSUE WITH CRISTY

Nagkausap at nagkapaliwanagan na sina Willie at Cristy nitong Miyerkules ng umaga, February 8.

Pero sa sariling salita ng Wowowin host, nagkaroon muna sila ng sigawan at murahan.

Lahad ni Willie, “Nagkausap kami ni Tita Cristy kanina, nagsigawan kami. Nagmurahan kami.

“Parang mag-ina na nagtatampuhan hanggang humingi ako ng tawad sa kanya at sa mga anak niyang nasaktan.

“Kung anuman yung nasabi ko ho, e, hindi naman yon pagsusumbat.

“Yun naman ho, e, galing sa puso ko yung pagbibigay nun [condo unit at kotse]. Kaya lang siyempre, dumarating yung point na nasasaktan ka.

“Tao ka lang, binubugbog ka ng lahat. Pati yung mga tao na tinutulungan ko dati, pati sila nakikisama [sa paninira], hindi mo alam kung bakit.”

Kasunod nito ay humingi ng paumanhin si Willie si Cristy na itinuturing niya umanong “nanay.”

Mensahe niya: “Kay Tita Cristy Fermin, Tita Cristy, para mo na akong anak. Para na kitang nanay, humihingi ako ng tawad sa yo.

“Pasensiya ka na, alam mo naman nag-iisa lang ako. Ilang araw akong nag-iisa sa kuwarto, nag-iisip. Hindi ako nagbabasa nang kahit ano, nag-iisip lang ako.

“Pero salamat at nagkausap tayo kanina. At sa mga anak mo na nasaktan ko, pasensiya na kayo dahil naging emosyunal ako.

“Ako naman ay nagpapakumbaba sa mga nasasaktan. Ganoon ho talaga, pero wala akong iniisip na pagsusumbat kahit kanino.”

Dagdag ni Willie, “Tita Cristy, sa mga anak mo, I’m sorry. Galing sa puso ko, I’m really sorry na nasaktan kita.

“Alam ko na ipinaglaban mo ako, ilang giyera na yung nilabanan natin magmula noong nagsisimula pa lang ako sa ABS-CBN, nagpunta ako ng TV5, nagpunta ako ng GMA, nandiyan ka.

“Kung ano yung nilalapit mo sa akin, hindi kita mahindian. Kung ano yung nilalapit ko sa yo, tinutulungan mo ako.

“Again, kay Tita Cristy, sa pamilya mo, sa mga anak mo, I’m really sorry na nasaktan ko kayo. Maraming salamat, ipinagtatanggol mo pala ako.”

LESSON LEARNED

Ang pangyayari raw na ito ay nagturo kay Willie ng isang importanteng aral: huwag basta paniniwalaan ang lahat ng mga nababasa at napapanood sa social media, maliban na lang kung tunay na mapagkakatiwaalan ang source ng mga balita.

Pahayag niya, “Ito ho, e, lesson learned sa ating lahat, kung may nakikita ho kayong video na ine-edit at sinisiraan yung kapwa natin tao…

“Sana sa Kongreso at sa Senado, gumawa na kayo ng batas na mapanagot yung mga tao ng paninira na po ng kapwa natin.”

Bukod sa paghingi ng paumanhin kay Cristy, iginiit ni Willie na hindi pa siya kinakausap ng ALLTV management kaya hindi pa niya alam ang magiging kapalaran ng Wowowin.

“For the past days, ako, e, naging pulutan ng lahat, sa social media, sa usapan, sa lahat, mapa-mayaman, mapa-hirap.

“Actually, hindi nga masyado sa ating mga kababayan na masa dahil wala naman silang oras para mag-Internet dahil nagtatrabaho ho sila.

“Ako ho yung naging putahe, ako yung ginigisa na hindi ko ho alam kung bakit kayo sa akin nagagalit. Bakit ako ang tinitira ninyo?” nagtatakang pahayag ni Willie.

Pagpapatuloy niya, “Nung nagsimula po yung isang news sa PEP [Philippine Entertainment Portal], actually, napaka-fair ng isinulat, ‘May isang programa sa ALLTV na kinausap para mag-pause muna.’

“Hindi ko naman alam yan, e. After that, ang ganda ho ng pagkasulat nun sa PEP, ang sinabi naman, ‘Itutuloy pa rin ang pagsusuweldo ng mga artista. Irerespeto yung kontrata.'”

Read: Ilang programa ng ALLTV, pansamantalang magpapaalam sa ere

Dagdag ni Willie, “And after that, sumunod na, ako na ang naging mukha. Pati Wowowin, si Ka Tunying [Anthony Taberna], si Toni Gonzaga, lahat ng mga programang ito.

“Kung sakali man po na totoo yan na kami po ay mawawala, hindi po ibig sabihin mawawala ang istasyon.

“Maaaring itong time na ito ang sasabihin nila, e, ‘I-pause muna natin ito. Pag-isip-isipan natin kung papaano ito pagagandahin, palalawakin ang signal at ang reach nitong ALLTV.’

“Kasi limang buwan pa lang itong istasyon na ito, e.

“Limang buwan pa lang po, marami na kaming nadidinig na kritiko, pangit ang sound… e, ganoon naman po talaga, e, nagsisimula lang po.

“Hindi naman puwedeng magsimula ang ALLTV na on top agad. Siyempre, magsisimula ka sa butas ng karayom.

“Kami naman po, talagang pinagbubutihan namin, sa abot ng makakaya namin. May mga sumusulat na boring ang show ni Willie kasi wala naman bago. Boring at luma na.

“Paano ho kami magkakaroon ng bago? Nandito lang kami sa maliit na isang penthouse po ng Wil Tower. Isang lugar na bawal ang audience?

“Sana maintindihan ninyo. Kaya nga yung studio sa Starmall, e, minamadali na ho.

“Para ho malaman niyo, after Holy Week, e, makalipat na ho kami.”

Read: Willie Revillame, nagpakita ng pruwebang hindi magsasara ang Wowowin

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Would you like to receive notifications on latest updates? No Yes