Sunshine Cruz gracious when asked about Cesar Montano; evades questions about Macky Mathay

Sunshine Cruz gracious when asked about Cesar Montano; evades questions about Macky Mathay

Magiliw sumagot si Sunshine Cruz nang matanong ukol sa ex-husband na si Cesar Montano, pero halatang ayaw pa niyang pag-usapan ang ex-boyfriend niyang si Macky Mathay.

Inusisa si Sunshine tungkol sa magandang relasyon nila ni Cesar sa presscon ng Unbreak My Heart—ang teleserye collaboration ng GMA-7, ABS-CBN, at Viu.

Ginanap ang presscon sa Seda Vertis North, Quezon City, nitong Huwebes ng hapon, May 25, 2023.

Pinupuri ng netizens sina Sunshine at Cesar dahil sa kanilang blended family.

Bukod sa nakakasama na ni Cesar ang tatlong dalagang anak nila ni Sunshine sa mga espesyal na okasyon, naging magkaibigan din si Sunshine at ang current partner ni Cesar na si Kath Angeles.

Tulad na lamang noong Bagong Taon ng 2023, magkakasama silang lahat sa isang Bohol trip.

May positive exchange of comments pa sa social media sina Sunshine at Kath.

“Time really heals all wounds. I think its about time,” sabi ni Sunshine nang usisain tungkol dito.

“And I feel and I see that my kids are really very, very happy every time that they would go out with Kath, with Cesar…

“Wala nang sugat, wala nang anything, and it’s just really a blessing na, of course, pati yung partner ni Cesar na si Kath ngayon ay nag-encourage talaga na maging close lahat.

“So, I think talaga pag mabait ang partner [Kath], lalong babait ang tao [Cesar]!” natatawang hirit ni Sunshine.

Sabi pa ng aktres sa kanilang blended family: “It’s really possible. Lahat naman tayo…

“Kung ang Diyos nga nagpapatawad, bakit tayo hindi?

“And kung ang sugat naghihilom, di ba, so bakit hindi ka rin maghi-heal from everything that has happened in the past?”

SUSHINE EVADES QUESTIONS ABOUT MACKY MATHAY

Masaya na ang buhay pag-ibig ni Cesar. Tinanong si Sunshine kung may nagpapa-happy na sa kanya ngayon.

Sagot ng aktres, hindi lang pag-ibig ang nakakapagpasaya sa tao.

“Palagi akong happy because sinong hindi magiging happy sa mga blessings na dumarating?”

Bukod sa Unbreak My Heart, may endorsements, upcoming movie at kasunod na possible teleserye na siya.

Ani Sunshine, “Hindi naman porke’t may love life o hindi, dun ka lang magiging masaya.”

Dapat daw ay tingnan ang mga biyayang dumarating sa buhay.  

Handa na ba siya kung sakaling may dumating na bagong pag-ibig?

“Nakupo, Lord, ayoko!” sagot ni Sunshine bago pa man matapos ang tanong sa kanya.

Dagdag niya, “Handa akong mag-memorize ng script at makipagsampalan muna kay Miss Jodi [Sta. Maria] para dito sa Unbreak My Heart.

“So I’m really focused on work and my children.”

Sinundot ito ng tanong kung kailan siya magiging handang magmahal muli.

Bakas sa sagot ni Sunshine na nais niyang iwasan ang tanong.

“Wala na yan,” aniya, kasabay ang muwestra ng kamay na nais niyang iwasan ang topic.

“As much as possible, I really don’t wanna talk about after what has happened in the past,” aniya pagtukoy sa breakup nila ni Macky.  

“I am 45, siguro huwag na tayong magpabebe when it comes to love life, di ba?

“So, kung may dumating, may dumating. Pag wala, wala.

“Pero it’s really something I really want to keep to myself starting now.”

Inusisa pa si Sunshine kung nagparamdam ba sa kanya ang ex-boyfriend?

“Ano yun?!” may pagtatakang sagot ni Sunshine.

“I don’t wanna talk about any of my personal love life, right, yeah, I’m sorry.”

Pahabol ni Sunshine, “Ano na, dapat matuto na tayo.”  

Nagpahapyaw si Sunshine na break na sila ni Macky late last year sa pamamagitan ng social media post.

Kinumpirma ni Macky ang relasyon nila ni Sunshine noong 2016.  

Nagsalita si Sunshine ukol sa breakup nila ni Macky sa guest appearance niya sa Fast Talk with Boy Abunda noong February 2023.

Sinabi noon ni Sunshine na napagtanto niyang walang patutunguhan ang kanilang relasyon.

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Would you like to receive notifications on latest updates? No Yes